Ang mga Banal na Kasulatan      Mga Tulong sa Pag-aaral  | Hanapin  | Mga Opsyon  | Minarkahan  | Tulong  | Tagalog 
I-print     Susunod >
Pambungad
Ipinaliliwanag ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang mga piling doktrina, alituntunin, tao, at lugar na matatagpuan sa Banal na Biblia, sa Aklat ni Mormon, sa Doktrina at mga Tipan, at sa Mahalagang Perlas. Ito rin ay nagbibigay ng mahahalagang sanggunian sa mga banal na kasulatan sa inyong pag-aaral para sa bawat paksa. Makatutulong ang Gabay sa inyong pansarili at pangmag-anak na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Makatutulong ito na masagot ang inyong mga katanungan tungkol sa ebanghelyo, sa pag-aaral sa mga paksa sa mga banal na kasulatan, sa paghahanda sa mga talumpati at aralin, at makadaragdag sa inyong kaalaman at patotoo tungkol sa ebanghelyo.
May tatlong bahagi ang Gabay: (1) alpabetikong listahan ng mga paksa, (2) mga piling bahagi mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa Biblia (PJS), (3) cronolohiya, mga mapa at mga larawan ng kasaysayan ng Simbahan; at mga mapa at mga larawan sa Biblia.
1. Ang alpabetikong talaan ng mga paksa. Ibinibigay ng bahaging ito ang isang maikling pagpapaliwanag sa bawat paksa at itinatala ang pinakamahalagang sanggunian sa banal na kasulatan tungkol sa paksa. Bawat sanggunian ay pinangungunahan ng isang maikling sipi o buod ng banal na kasulatan. Ang mga sanggunian sa banal na kasulatan ay nakaayos sa ganitong pagkakasunud-sunod: Lumang Tipan, Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.
2. Mga Pinili mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Noong 1830, tinagubilinan ng Panginoon si Joseph Smith na simulan ang gawain sa pagbabago o pagsasalin ng King James Version ng Biblia. Ang layunin ng Propeta ay ibalik ang ilang payak at mahahalagang katotohanang nawala sa orihinal na teksto ng Biblia. Natapos niya ang halos lahat ng gawain noong Hulyo 1833. Gayunman, hanggang sa kanyang kamatayan noong 1844, patuloy pa rin siyang gumagawa ng pagbabago habang inihahanda ang manuskrito sa paglilimbag. Bagamat ang buong tomo ay hindi natapos, ni opisyal na pinagtibay ng Simbahan, ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay naglalaman ng maraming kaalaman tungkol sa mga kahulugan ng banal na kasulatan at isang mahalagang mapagkukunan ng tulong sa pag-unawa ng Biblia. Ang ilan sa higit na mahahalagang pagbabago ay nabibilang sa Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan. (Para sa karagdagang kaalaman, tingnan sa paksang "Pagsasalin ni Joseph Smith" sa Gabay.)
Ginagamit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang King James Version ng Biblia bilang opisyal na pagsasalin sa Ingles. Mahalaga ang ginampanan nito sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo at patuloy na nagkakaroon ng mahalagang impluwensiya sa maraming bansa sa buong mundo.
3. Cronolohiya, mga mapa, at mga larawan ng kasaysayan ng Simbahan, at mga mapa at mga larawan sa Biblia. Mas mauunawaan mo ang mga pangyayari sa mga banal na kasulatan kung alam mo ang heograpiya ng mga lupaing tinatalakay sa mga banal na kasulatan. Ang Gabay ay may 6 na mapa ng mahahalagang lugar sa kasaysayan ng Simbahan, 14 na mapa ng lupain sa Biblia, at 1 mapa ng mundo. Para makita ang isang lugar na gusto mo, gamitin lang ang indeks. Ibibigay sa iyo ng indeks ang angkop na mapa at ang titik at bilang kung saan matatagpuan ang lugar na ito. Ang 18 kasaysayan ng Simbahan at ang 32 larawan sa Biblia ay naglalaman din ng mga paglalarawan na makatutulong sa iyong higit na maunawaan ang mga partikular na pangyayari sa mga banal na kasulatan.
Nakalista sa cronolohiya ng kasaysayan ng Simbahan ang mahahalagang pangyayari tungkol sa pagpapanumbalik at pag-unlad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Upang higit kayong matulungan sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang Gabay ay naglalaman ng ilang makatutulong na mga paglalahad. Halimbawa, kung kayo ay sasangguni sa talang "Jesucristo", makikita ninyo ang isang buong talaan ng bawat paksa sa Gabay na makapagbibigay kaalaman na tuwirang tumutukoy sa Tagapagligtas at sa kanyang ministeryo. Ito lamang ang tanging paksa sa Gabay na may gayong karaming talaan, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ni Cristo sa buong sangkatauhan. Bilang karagdagan, sa ilalim ng paksang "Cronolohiya", ilan sa pinakamahahalagang pangyayari sa Biblia at noong panahon ng Aklat ni Mormon, ay natatala, lakip ang mga higit-kumulang na petsa. Ang paksang "Ebanghelyo, Mga" ay naglalaman ng isang pagtutugma ng mga Ebanghelyo. Ang pagtutugmang ito ay naghahambing sa mga aral ng Tagapagligtas na matatagpuan sa Mateo, Marcos, Lucas, Juan, at sa mga paghahayag sa huling araw.