|
ALPABETIKONG TALAAN NG MGA PAKSA
Pagpapako Sa Krus
Isang uri ng pagpaparusa ng kamatayan ng mga Romano, na pangkaraniwan na noong panahon ng Bagong Tipan, kung saan pinapatay ang isang tao sa pamamagitan ng pagtatali o pagpapako sa kanyang mga kamay at paa sa isang krus. Kadalasang ginagawa lamang ito sa mga alipin at pinakamababang uri ng mga salarin. Kalimitang hinahampas o nilalatigo muna bago ipako sa krus (Mar. 15:15). Ang taong ipapako sa krus ay kadalasang pinagpapasan muna ng sarili niyang krus sa lugar ng pagpaparusa (Juan 19:16–17). Kadalasang kinukuha ng mga kawal na nagpapatupad ng hatol ang kanyang mga damit (Mat. 27:35). Ang krus ay ibinabaon sa lupa nang sa gayon ang mga paa ng tao ay may isa o dalawang talampakan lamang ang taas mula sa lupa. Tinatanuran ng mga kawal ang krus hanggang sa mamatay ang tao, na kung minsan ay tumatagal ng tatlong araw (Juan 19:31–37).
Ipinako sa krus si Jesucristo dahil isang pangkat ng mga hindi naniniwala ang nagparatang ng panunulsol laban kay Cesar at kalapastanganan dahil sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Isang batang kulay ube (Juan 19:2), isang putong na tinik, at iba pang pag-alipusta ang ginawa kay Jesus (Mat. 26:67; Mar. 14:65).
Bubutasan ng masasama ang mga kamay at paa ng Mesiyas, Awit 22:11–18. Si Cristo ay dadalhing gaya ng isang kordero sa katayan, Is. 53:7. Ibinadya ni Jesus ang pagpapako sa kanya sa krus, Mat. 20:18–19. Inilarawan ang pagkakapako sa krus ni Cristo, Mat. 27:22–50 (Mar. 15:22–37; Lu. 23:26–46; Juan 19:17–30). Nakita ni Nephi sa isang pangitain ang pagpapako sa krus sa Kordero ng Diyos, 1 Ne. 11:33. Ipinahayag ni Nephi ang mga pagdurusa at pagkakapako ni Cristo sa krus, 1 Ne. 19:9–14. Ipinahayag ni Jacob ang tungkol sa ministeryo at pagkakapako sa krus ng Banal ng Israel, 2 Ne. 6:9. Mga unos, lindol, apoy, at buhawi sa Amerika ang nagpatunay sa pagkakapako sa krus ni Cristo sa Jerusalem, 3 Ne. 8. Ako si Jesus na ipinako, D at T 45:51–52. Ang ministeryo ni Jesus sa mga espiritu sa bilangguan ay humahanggan sa panahong pumapagitan sa kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, D at T 138:27.
|