|
ANG PATOTOO NG TATLONG SAKSI
Ipinaaalam sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, kung kanino makararating ang gawang ito: Na kami, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo ay nakita ang mga laminang naglalaman ng mga talang ito, na tala ng mga tao ni Nephi, at ganoon din ng sa mga Lamanita na kanilang mga kapatid, at gayon din ng sa mga tao ni Jared, na nanggaling sa toreng nabanggit. At nalalaman din namin na ang mga ito ay naisalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ang kanyang tinig ang nagpahayag nito sa amin; kung kaya’t nalalaman namin nang may katiyakan na ang gawa ay totoo. At nagpapatotoo rin kami na nakita namin ang mga nakaukit sa mga lamina; at ang mga ito ay ipinakita sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at hindi ng sa tao. At aming ipinahahayag sa mahinahong salita, na isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at kanyang dinala at inilahad sa harap ng aming mga mata, na aming namasdan at nakita ang mga lamina, at ang mga nakaukit doon; at nalalaman namin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, kung kaya’t aming namasdan ito at nagpapatunay kami na ang mga bagay na ito ay totoo. At ito ay kamangha-mangha sa aming mga mata. Gayunpaman, ang tinig ng Panginoon ay nag-utos sa amin na kami ay magpatotoo nito; kung kaya’t upang makasunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos, ay pinatutunayan namin ang mga bagay na ito. At nalalaman namin na kung kami ay magiging matapat kay Cristo ay maaalis namin sa aming mga kasuotan ang dugo ng lahat ng tao, at kami’y matatagpuang walang bahid-dungis sa hukumang-luklukan ni Cristo, at maninirahang kasama niya magpakailanman sa kalangitan. At ang karangalan ay mapapasa-Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo, na iisang Diyos. Amen.
Oliver Cowdery
David Whitmer
Martin Harris
|